Salamin

Tula

Ano ang hiwaga nitong salamin?
Marami ang sa kanya'y gustong tumingin;
Upang buhok ay palaging suklayin,
Sinusuri kung may dumi sa ngipin.

Ikaw ngayon ay aking aayaing,
Tignan muli, mukha sa salamin;
Habang nakatitig saloobin ay linawin,
Kung ano ang nasa isip, itsura'y iba sa paningin.

Wala ka bang napapansin?
Hindi mo ba ako tatanungin?

Maaaring nalaman mo na ang tunay nitong hiwaga,
Ang mukha mo sa salamin ay iba, kumpara kung titignan kita;
Marami ang nagsasabing itsura'y hindi mahalaga,
Kung ang puso naman ang siyang nagdidikta.

Bata, matanda walang pinag iba,
'Pagkat ang tibok tagos hanggang kaluluwa;
Hindi man kita makita ng personal,
At sabihin ng iba ako'y isang hangal.

Umibig sa iyo at sabihing ika'y mahal,
Mundo nati'y pinaglayo ng Maykapal;
Kahit sa pangarap ikaw'y nakikita,
Pagkaganda gandang dilag na diwata.

Ngunit kailangan kong manatili sa lupa,
Tanging sa salamin nalang tayo magkita;
Minsan ang salamin ay sinungaling din pala,
Kahit anong ngiti mo, kalooban naman'y nagdurusa.

Hindi 'bat ang repleksyon ay dapat iisa,
Parang alingawngaw sa bundok ng tralala;
Kung anong isigaw mo,
Ay magbabalik na kusa.

At kung ako ay papipiliin,
Personal kang magpakita sa akin;
Mukha mo ay nais kong damhin,
Hugis ng labi mo ay aking sasalatin.

Makarating sana sa Diyos ang aking hiling,
Tugunan ang aking mga panalangin;
Ako sana ay Kanyang dinggin,
Ibalik Niyang muli ang aking paningin.

...ginawa ko ang tulang ito nang nakapikit upang sa isip ko ay maiukit ang nararamdaman ng bulag na pag-ibig. notesnikiko.com Popular