Tula
Wala silang kamuwang-muwang,
sa nagaganap na digmaan;
Wala silang pakialam,
sa nangyayari sa sanlibutan.
Kahit anong paliwanag ang sabihin,
Nagkalat man ang babasahin;
Paglalaro ang gusto nilang gawin,
Pagkatapos na sila'y magsikain.
Ngunit anong hiwaga mayroon sila,
Na nakapagbibigay ng pag-asa;
Masdan mo ang munting bata,
Hahayaan mo bang silay maging biktima?
Magulo ang iyong sinasambit,
O pinagulo mo ang iyong pag-iisip;
Wala ka na bang masabing matuwid,
Puro negatibo ang 'yong bukambibig.
Daig mo pa ang pusakal na walang dangal,
Na patuloy na nagdadasal sa Maykapal;
Kailan ka makakalaya sa kulungang bakal,
Na salat sa kaalaman at pagmamahal.
Nakuha mo pang humarap sa madla,
Ibinabandila ang kapal ng mukha;
Nakikihalubilo at nakikitawa,
Nangyayari sa paligid ay hindi alintana.
Ikaw ba'y katulad din ng paslit,
Na mata ay kusang ipipikit;
At diwa ay dagling iwawaglit,
Na kasing mangmang ng pag-iisip?
Dila ko man ngayon ay matabil,
'Pagkat hindi ka naman inutil;
Damhin mo ang aking pagsupil,
Sa kalikuang iyong ipinapaskil.
Kabataan ay pahalagahan,
Lalong lalo na sa panahon ng digmaan;
'Pagkat sila'y sa Ama ay may katuwiran,
Kababaan ng loob ang taglay nilang alam.