Sa Kabataang Pilipino | Tula ni José Rizal

Tula

Itaas ang iyong noong aliwalas, ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag, ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan, magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay, at dalhin mo roon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw, na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na't lagutin, ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang, sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay, sa nagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais, kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig, doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap.

Ikaw na ang himig ay lalong mairog, tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot
at mabisang lunas sa dusa't himuntok, ng puso at diwang sakbibi ng lungkot.

Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan, matigas na bato'y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay, sa iyo'y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles, sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit, ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo, ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala'y ikalat sa mundo, at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya't galak, magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo'y lumingap, at siyang nag-akay sa mabuting palad.
— José Rizal


Sa layon nitong nilikha, sa kabataan ang kanyang winika
pag-asa ng bayang dakila, tugon sa malayang adhika.

Ngunit malaon nang iminulat, gayong karunungan ay tila salat
sa panahong agham at teknolohiya, pawang kinagiliwan ng bawat bata.

Pag-aaral ay naisang tabi, 'pagkat kaalaman'y nakukuhang parang bato balani.

Adhika mo Rizal nawa'y maikintal, makalas nawa itong sa iyo'y busal
sa puso nila'y muling sumilay, ang kabayanihan na iyong inialay.

Kabataan kung ikaw'y nariyan,
maging huwaran, dakilang tinuran,
daang taon na ang nakaraan,
pag-ibig sa karunungan ay pahalagahan.

Sa Kabataang Pilipino | José Rizal