Ibong Adarna

Balagtasan

PAUNAWA:

Ang inyong mababasang tula / balagtasan ay orihinal na gawa ni Francis Morilao, ayon sa buod ng kwento ng Ibong Adarna.

Bakit mo hinahanap ang Ibong Adarna?
May karamdaman din ba ang iyong mahal na ama? Dahil ba nabasa mo ang kanyang kwento
Na tinig niya ang makapagpapagaling sa ama mo?
Sa iyong pagsasaliksik itanim mo sa iyong isip,
Wala sa kanya ang lunas kaya 'wag nang magpumilit.
Ngunit dahil sa ikaw ay makulit kwento niya'y isasambit,
Akin sa iyo'y inuulit ito lamang ay kathang isip.

Bagaman ang Ibong Adarna ay isa na ngayon sa mga kinikilalang bahagi ng Panitikang Pilipino, ang akdang ito ay hindi orihinal na nagmula sa Pilipinas. Sa pananakop ng mga Kastila, ang Ibong Adarna ay nakarating sa Mehiko at di nagkalaon ay nakaabot sa Pilipinas. Nagsimulang maging popular ang Ibong Adarna sa Pilipinas nang ito'y isalin sa katutubong wika. Ang bawat kopya ng akdang ito ay ipinagbibili sa mga perya na karaniwang nagpapalipat-lipat sa mga bayang nagdiriwang ng pista. Ngunit marami noon ang 'di marunong bumasa kaya't iilan lamang ang mga kopyang napalimbag. Sa kabutihang-palad, 'di nagtagal ay itinanghal na ito sa mga entablado tulad ng komedya o moro-moro.

Sa ngayon ay may ilang nagpapalagay na si José de la Cruz (o Huseng Sisiw), isang makatang kaalinsabay ni Francisco "Balagtas" Baltazar noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ang kumatha ng Ibong Adarna. At dahil nga sa kawalang-katiyakan kung sino ang orihinal na may-akda at dahil na rin sa kasikatan nito sa Panitikang Pilipino, maraming nag-aakala na ang Ibong Adarna ay katutubo mismo sa Pilipinas.

Samahan ninyo ako habang ikinukwento ko ang pagbabalik ng Ibong Adarna sa anyong tula / balagtasan…

Haring Fernando:
Ano itong aking napanaginipan?
Ang aking anak ay itinapon sa balong may kalaliman;
Pagkagising ko sa kinaumagahan,
Ako ay naratay sa karamdaman.
Reyna Valeriana:
Mahal kong hari, ikaw'y huwag mag-alala,
'Pagkat manggagamot ng palasyo ay pinatawag ko na;
Lakasan mo ang iyong loob, sila ay darating na,
Upang karamdaman mo ay pagalingin nila.
Manggagamot:
Sumaiyo ang papuri, aming mahal na hari,
Ang iyong kalakasan, ngayon ay nahahati;
Isang tinig na ibon ang nagmamay-ari,
Upang karamdaman mo ay tuluyang mapawi.
Prinsipe Pedro:
Isa itong kahangalan.
Na tinig ng ibon ang pagmumulan;
Sa sinasabi mong kalakasan,
Malaking insulto ito sa kaharian.
Reyna Valeriana:
Ako ang pakinggan mo mahal kong panganay,
Sa Bundok ng Tabor ikaw nga ay maglakbay;
Hulihin ang ibon at sa hari ay ialay,
Humayo ka at magsama ng alalay.

Nagsimula ang kwento ng Ibong Adarna sa panaginip ni Haring Fernando ng Kaharian ng Berbania, na si Prinsipe Juan ay itinapon sa malalim na balon, ito ang naging sanhi ng karamdaman ng hari, ayon sa manggagamot, tanging ang awit ng Ibong Adarna ang makapagpapagaling sa hari na matatagpuan sa Bundok Tabor sa puno ng Piedras Platas.

Si Prinsipe Pedro ang unang nagtangkang hulihin ang Ibong Adarna ngunit…

Prinsipe Pedro:
Ayun at nakikita ko na,
Sa punong Piedras Platas siya nakatira;
Ang ganda pala ng Ibong Adarna,
Sari-saring kulay ang balahibo niya.

Ang tinig niyang kahali-halina'y,
Napawi ang pagod ko sa paglalakbay;
Ano itong hiwaga ng tinig niyang taglay,
Para bang ako'y mawawalan ng malay.
Manggagamot:
Ako ay lubhang nababahala,
'Pagkat maaaring si Pedro ay naging bato na;
Kung nakatulog siya sa tinig ng Ibong Adarna,
Hindi ko alam kung papaano ibabalik siya.
Reyna Valeriana:
Ilang taon na ang lumipas,
Tila si Pedro ay walang bakas;
Prinsipe Diego lumakad ka bukas,
Hulihin ang ibon upang karamdaman ng hari ay mabigyang lunas.
Manggagamot:
Mag-ingat ka Prinsipe Diego,
Ang mahimbing sa tinig ng ibon ay iwasan mo;
Panatilihing gising ang diwa mo,
'Pagkat 'pag ikaw'y naiputan, ikaw'y magiging bato.

Sa kasawiang palad ay naging bato si Prinsipe Pedro kaya si Prinsipe Diego naman ang nagpunta sa Bundok Tabor upang hulihin ang Ibong Adarna ngunit…

Prinsipe Diego:
Tatahakin ko ang landas,
Patungo sa Punong Piedras;
Tila si Pedro ay dito nagdaan,
Siya sana ay aking masumpungan.
Haring Fernando:
Aking mahal na reyna,
Ano na ang nangyari sa paglalakbay nila?
Pakiramdam ko, karamdaman ko'y lumulubha,
Kailangan ko nang marining ang tinig ng Ibong Adarna.
Reyna Valeriana:
Ang iyong panganay na si Pedro,
Ay hindi namin mahagilap;
Kaya si Prinsipe Diego,
Landas niya ay tinahak.
Prinsipe Diego:
Tila may kung anong hiwagang taglay,
Ang ganda ng Punong Piedras Platas;
Ayun at may upuang bato,
Tila isang taong nahihimlay.

Bakit ganito ang aking nararamdaman,
Sa tinig na aking napapakinggan;
Nais kong magkaroon ng kapahingahan,
Ang diwa ko ay gustong maglakbay sa kawalan.

Sunod na nagtangka si Prinsipe Diego na puntahan ang Bundok Tabor at nakita ang Punong Piedras Platas na tinitirhan ng Ibong Adarna ngunit katulad din ni Prinsipe Pedro, siya ay nakatulog sa tinig ng ibon at naging bato…

Prinsipe Juan:
Kahariang Berbanya ay aking lilisan,
Upang lakbayin ang kabundukan;
Tila ang haba ng daan,
Patungo sa kanyang kinalalagyan.

Sino itong aking natatanaw?
Tila isang halimaw;
Balat niya'y kulay dilaw,
Mga sugat niya'y nakakasilaw.
Matandang Leproso:
Magandang araw sa iyo matipunong binata,
Tila malayo ang iyong nilakbay ano ang iyong sadya?
Kung nais mong hulihin ang Ibong Adarna,
Mag-ingat ka, patungo sa Punong Piedras na kahali-halina.
Prinsipe Juan:
Totoo kaya o isang haka-haka?
Pero hindi na nga nagbalik ang aking kapatid na dalawa,
Mabuti pang iwasan ko muna;
Ayun may natatanaw akong isang bahay...
Sana ay mayroong nakatira.

Si Prinsipe Juan ang sunod na naglakbay upang hulihin ang Ibong Adarna, sa daan nasalubong niya ang matandang leproso na nagpayo sa kanya na mag-ingat sa ganda ng punong piedras, iniwasan niya ang pagtigil sa puno at natanaw niya ang isang bahay…

Prinsipe Juan:
Marahan kong katok ay iyong pakinggan,
Papasukin nawa sa iyong tahanan;
Mailapat man lang ang likod sa higaan,
Apat na buwan akong naglakbay sa kabundukan.
Matandang Ermitanyo:
Magtuloy ka, makisig na binata,
Alam kong ako ang iyong sadya;
Makalipas ang apat na taong pagtatangkang hulihin ang ibong adarna,
Salamat at ginabayan ka ni Bathala.
Prinsipe Juan:
Sinunod ko ang payo ng matanda,
Na 'wag tumigil sa punong sinabi niya;
Sa paglalakad, kubo mo ay aking nakita,
Nakipagsapalaran na sana'y makapagpahinga.
Matandang Ermitanyo:
Hindi lingid sa akin ang iyong kabutihan,
Natitirang tinapay mong dala sa kanya ay inilaan;
Dahil diyan ikaw ay aking bibiyayaan,
Papayuhan kung paano huhulihin ang ibong adarna upang dalhin sa iyong kaharian.
Prinsipe Juan:
Kung ako ay karapat-dapat,
Ako'y nagpapasalamat;
Kagalingan ng aking ama,
Ang tangi kong hangad.
Matandang Ermitanyo:
Ang payo ko ay sasabihin pagkatapos mong magpahinga,
Kumain ka muna bago ka humiga;
Mamaya bago magtakipsilim ay gigisingin kita,
Aayusin ko lang ang gagamitin mo sa paghuli sa ibong adarna.

Nakipagsapalarang pumunta si Prinsipe Juan sa bahay na kanyang natanaw upang makapagpahinga, pinapasok siya ng Matandang Ermitanyo at pinagpahinga at papayuhan kung paano huhulihin ang Ibong Adarna…

Prinsipe Juan:
Ako ay nahihiwagaan talaga,
Tinapay na binigay sa matandang leproso kanina;
Ngayon ay nakahain na sa lamesa,
Tila ba sila ay iisang persona.
Matandang Ermitanyo:
Oh hayan at naiayos ko na,
Ang mga gagamitin mo mamaya;
Ihanda mo ang sarili mo binata,
Para hulihin ang ibong engkantada.

Ang punong piedras na iyong nilampasan,
Iyon ang kanyang pinupugaran;
Pagkatapos niyang kumain kung saan,
Aawit ng pito saka tutulugan.

Tuwing matatapos ang kanyang kanta,
Pitong kulay ng balahibo ang iyong makikita;
Iwasan mong matulog sa awitin niya,
Dahil baka ikaw ay maiputan, magiging bato ka.

Kuhanin mo itong pitong dayap at labaha,
Sugatan mo ang iyong katawan tuwing siya ay kakanta;
Pigaan mo ng dayap upang hindi mo makatulugan,
Pagkatapos kumanta, ipot niya ay ilagan.

Sa sandaling siya ay manahimik,
Akyatin ang puno nang walang imik;
Talian sa paa nitong gintong lubid,
Mag-ingat ka, baka mahulog sa tubig.

Ngayon binata ay lumakad na,
Hulihing madali ang Ibong Adarna;
Magbalik ka dito pag nahuli mo siya,
Upang aking ilagay sa ginawa kong hawla.

Si Prinsipe Juan ay nagtungo na sa puno ng Piedras para antayin ang pagdapo ng ibon.

Prinsipe Juan:
Ayan at dumating na, ang aking hinihintay,
Tunay ang sinabi na balahibo ay makulay;
Sa ningning ng tinig baka ako'y mahimlay,
Hihiwaan ko ng labaha ang kaliwa kong kamay.

Ilang hiwa pa ang aking titiisin?
Ilang dayap pa ang aking pipigain?
Upang ako ay huwag antukin,
Upang Ibong Adarna ay tuluyan kong hulihin.

Sa wakas at nanahimik na siya,
Ngunit bakit pakpak ay nakabuka;
Dilat ang dalawang mata nakita kaya niya kanina,
Na inilagan ko ang ipot niya?

Siguradong matutuwa ang ermitanyo sa dala-dalang huli ko.
Matandang Ermitanyo:
Salamat at nakabalik ka,
Heto ang aking banga;
Sa puno ay magbalik ka may dalawang bato kang makikita,
Sumalok ka ng tubig at ibuhos sa kanila.

Nabuhay muli ang dalawang kapatid ni Prinsipe Juan at nagbalik sila sa kubo ng Ermitanyo. Pinagaling ang sugat ni Juan ng Ermitanyo at pinangaralan silang magkasundo at umuwi na sa kaharian dala ang Ibong Adarna

Prinsipe Pedro:
(Palihim na kinausap si Prinsipe Diego)
Nainsulto ako sa nangyari,
Itong ating bunso pa ang nakahuli;
Ano na lamang ang sasabihin ng ating amang hari,
Kapag tayo sa kaharian ay nakauwi.

Tulungan mo akong siya ay patayin,
Sa daan pauwi, siya ay linlangin.
Prinsipe Diego:
Kaawa-awa naman kung siya'y kikitilan,
Siya na lamang ay ating saktan at iwanan sa kabundukan.

Nakauwi ang dalawa sa kaharian ngunit hindi nila napaawit ang Ibong Adarna samantalang si Prinsipe Juan ay sinaklolohan ng isang matanda at pinauwi sa kaharian.


Ang Pitong Awit

ibong adarna