Sa Pusod Mo Aking Ina

GMA Pinoy Abroad Kwentong Kapuso

Tula

Unang tibok, unang pintig,
Nagmula sa iyong walang bahid;
Hindi inalintana kung gaano kasakit,
Mailabas lang ako malakas man ang iyong impit.

Inalagaan mo bawat saglit,
Hanggang sa marining itong munting tinig;
Sa pagtulog ko ikaw'y nakatitig,
Sa mga pisngi kong pagka-li-liit.

Gatas na sa iyo nagmula,
Sa akin ay lubusang nagpasigla;
Hanggang sa ako ay magsalita,
Panay ang halik mo sa pisngi kong mapula.
Ulo ko ay inalagaan mo sa hilot,
Upang sa paglaki ko ay tunay na mamilog;
Sa aking pagligo hindi mo iniwanan,
Isusuot ang barubaruan.

Ibabandila ang iyong pinagtiyagaang,
Binurda ang aking pangalan.

Nang ako ay unang humakbang,
Larawan ko ay ipinangalandakan;
Binanggit sa aking mga pinsan,
Kaya naman ako'y kanilang kinagiliwan.

Sa tuwing ulan ay papatak,
Naisip ko nuong ako'y umiiyak;
Hindi ka mapakali sa aking pag-iyak;
Kakargahin ako buong magdamag.

Taun-taon ginugunita kung gaano ka kadakila,
Maubos man ang lahat ng salita;
Pati na ang aking mga luha hindi ko pa rin maikakaila;
Sa pusod mo ako unang huminga.

Salamat sa iyo aking ina,
Sapagkat ako'y pinalaki mo na may disiplina;
Kahit saang lupalop ako magpunta,
Nasa puso't isip ko ang iyong pagkalinga.

Ngayong malabo na ang iyong mga mata,
Mga letra ng tula ko'y hindi mo na makita;
Inay, huwag kang mag-alala,
Nandyan ang apo ninyo at siya ang babasa.

Inay mahal na mahal kita.

GMA News Online Pinoy Abroad Kwentong Kapuso