si Malakas at si Maganda

Tula

Natatandaan n'yo pa ba?
Noong tayo'y hayskul pa;
Sa intablado'y may isang dula,
si Malakas at si Maganda.

Maaaring hindi n'yo na naalala,
Kung gaano ka-seksi si Maganda;
Limang minuto ko siyang kasama,
Sa loob ng kawayan bago bumuka.

Kahit ako noon ay hindi ko na rin matandaan,
Sapagkat wala akong naitabing larawan;
Tanging takip ko noon ay dahon sa harapan,
Pinagpapantasyahan ang hubad kong katawan.

Nakakatawang isipin paminsan minsan,
Ang mga tauhang ating ginampanan;
Hindi maalis sa ating isipan,
Hindi madaling ito ay kalimutan.

Si Malakas at Si Maganda

Si Malakas at si Maganda ay iginuhit ng sikat na Comic Artist na si Carlo Pagulayan bisitahin dito ang iba pa nyang obra

Isang karangalan para sa akin na gampanan si Malakas sa isang dula sa Manila High School. Si Malakas at si Maganda ay isang popular na katutubong kwento mula sa iba't ibang bahagi ng bansang Pilipinas, Isa itong pagpapaliwanag ng pinagmulan ng sangkatauhan ayon sa mga sinaunang Filipino, nagsimula ang mundo sa pamamagitan lamang ng Dagat, Kalangitan, Kapatagan, Ang puno ng Kawayan at ng Ibon, Nakarinig ng mga kakaibang tinig ang Ibon na nagmumula sa Kawayan kaya't pinilit nya itong biyakin sa pamamagitan ng pagtuka sa mga ito, nang nabiyak ang kawayan at nahati sa gitna ay lumabas ang isang makisig na lalaki na tinawag na Malakas at isang babae na tinawag na Maganda, at dito nagsimulang dumami ang sangkatauhan, ang si Malakas at si Maganda ay nagsasalarawan ng kulturang Filipino, na ang mga Filipina ay Maganda, Malambing at Mahinhin, samantalang ang Kalalakihan naman ay Malakas, Matipuno at siyang Saligan ng pamilya na laging maaasahan sa panahon ng pangangailangan.