Tula
Nakatingin sa malawak na bukirin,
Malalim ang kanyang isipin;
Ulan kailan ka darating?
Diligin mo ang tuyong damdamin.
Sa ulap palaging nakatanaw,
Sa haba nitong sikat ng araw;
Puso niya'y laging namamanglaw,
Sa ulan gustong magtampisaw.
Tuyong lupa sa kanyang harapan,
Pagpapagulo pati sa isipan;
Pag-asa, kailan masusumpungan?
Tanging mithiin sa kanyang palayan.
Magsasaka ay nangangamba,
Sa kanilang tanim lamang umaasa;
Nawa'y umulan pagsapit ng umaga,
Dalangin sa Diyos sa tuwi-tuwina.
'Pag may ulan may pag-asa,
Ang kanyang matibay na paniniwala;
Tunay ba o isang haka haka?
Ulan na tanging Diyos ang may gawa.
![pag-asa hatid ng ulan pag-asa hatid ng ulan](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhIjW_pq5YOHf894xpb2GAF9BljChb56F7O5wDepAaBv-jDTAWwblgpcQevEUf5SyfqMgr9h2foZ9WLZOczn99rVsDR-lwxDaMkklLh8kuORZ2BKlv6oS4Ohj2uRB3WdN7r7bwrMFTTKA/s1600/RainAnimation.gif)