Zipper ng Pag-asa

Sanaysay

Tuwing magjogging ako o maglakad man ay palagi akong nakakapulot ng zipper (maayos ang iba, ang iba naman, medyo sira na)

Noong mag-isang taon ako dito sa Qatar, kasabay noon ang pagkasira ng maong kong Bench™ Overhauled kaya bago ko ito itinapon ay kinuha ko ang zipper (dahil YKK ang tatak).

Kinagisnan ko na kasi mula pagkabata, siguro nakikita ko sa aking ama na siya mismo ang nagsusulsi ng mga sirang zipper namin, maski pa ang aking ina na mahilig naman mangolekta ng butones.

Minsan isang araw, naglaba ako at planong labhan lahat pati ang mga bedsheet, tumambad sa akin ang mga zipper na naipon kong pulutin at napaisip ako bigla.

Ano ba ang motibo nito sa akin? Bakit ba hindi ko ito itapon? At ito ang aking kasagutan.

Sa simpleng paliwanag, ito ay gamit para mabuksan o isara ang isang bagay. At sa malalim kong pag-iisip, ito ang aking naitala…

  1. Ang zipper, kung titignan natin ay may apat na bahagi, ang kaliwa at kanan, ang nagsasara/ nagbubukas at ang hawakan. Minsan nauunang masira ang hawakan, minsan madaling lumuluwag ang nagsasara.
  2. Na tanging ang nagmamay-ari ng zipper ang may kapangyarihang buksan o isara ang mga bagay.
  3. Ang zipper ang naghihiwalay ng mga bagay sa loob at sa labas.
  4. At tanging ang may kontrol ay iyong nasa labas, kung nais niyang isara o buksan.

At kung iaayon natin ito sa ating pamumuhay, ito naman ang naisip ko.

  1. Sa tuwing isasara natin ang zipper ng ating nakaraan, darating ang panahon na ito ay mabubuksan, kaya siguro dapat 'wag nang i-zipper kundi kalimutan na lang.
  2. Kung isasara natin ang puso sa pag-ibig, zipper siguro ang magandang ipantakip, dahil may option ka na buksan ulit, kaysa nakakandado na at nakapinid.
  3. Sa career naman, bakit mo bubuksan nang kalahati ang iyong zipper ng kaalaman, natatakot ka bang kopyahin ng iba? o natatakot kang baka walang matira kung buksan mo nang buo ang zipper?
    Wake-up, nasa internet era na tayo, ang tinatago mong alam, na paniwalang ikaw lang ang may alam, check mo sa google at milyon na ang may alam, hehehe. Oops, no offense, ibig kong sabihin, sabi ni Stephen Covey, "Teach to Learn" ang alam mo, ituro mo, dahil sa process ng pagtuturo mo sa iba, mabubuksan ang iyong kaalaman at madadagdagan pa.
  4. At lastly sa OFW, zipper madami tayo niyan ('diba mga kabayan?)
    • Maleta, may zipper at lagayan pa ng padlock
    • Laptop bag
    • Jacket (syempre dapat feeling ofw)
    • Lagayan ng ipon (kung wala ka pa, bumili ka na, dahil ako meron, iba 'yung nasa bangko, iba 'yung nakikita mo sa panahong na hohomesick ka at gusto mo nang umuwi ngunit pinipigilan ka ng pangarap at paniniwala na mayroong pag-asa sa hinaharap.) Sa loob ng dalawang taon nakaipon na rin ako, pati na ng mga zipper :)

Naiisip mo ngayon anong konek nito sa Pag-asa ayon sa title? Simple lang, kung hahayaan mong nakasara ang iyong isipan para sa mga pagbabago tulad ng zipper, nakakalimutan mong may pag-asa, kaya't buksan ang isipan at hayaang sumunod sa daloy ng buhay dahil mayroong pag-asa. Open your mind and adapt to change because there is hope.

Salamat po sa mga bumati sa akin sa aking ika-2 taon dito sa Qatar.

zipper ng pag-asa