Tula
Minsan sa iyong paglalakad,
sa kahabaan ng daan;
May makikilala kang nilalang,
na handa kang tulungan.
Walang pag aalinlangang,
ikaw ay dadamayan;
Sa hirap na iyong nararanasan,
pati na ang sakit ng kalooban.
Ano nga ba ang dahilan,
kung bakit may mga taong ganyan?
Na kung tawagin ng ilan,
ay Good Samaritan.
Ayon sa Banal na Kasulatan,
mula sa Lumang Tipan;
Paghihiganti ay iwaglit sa isipan,
bagkus pag-ibig sa kapwa ay ilaan.
Kabiguang dinanas noong nakaraan,
tutulungan ka Niyang ito ay kalimutan;
Hindi sa pansariling kapakanan,
kundi para bumangon ka sa kinabukasan.
Kung ikaw man ngayon ay dumadanas ng matinding kalungkutan,
at ang Good Samaritan ay iyong inaabangan;
Hindi kaya ikaw ang Good Samaritan,
na kailangang tumulong sa nangangailangan?
Sa paglipas ng panahon sa iyo'y may magtatanong
Bakit napakabuti mo sa lahat ng bagay?
Ano ang hiwaga ng buhay mong taglay?
Biyaya kang dumating sa aming buhay.
Papuri sa Diyos ang iyong itugon,
na hindi nagkulang sa Kanyang pagtulong;
Hindi nagbabago mula noon hanggang ngayon,
at sa buhay mo ay naging inspirasyon.