Tula
Ang tulang inyong mababasa ay pawang kathang isip lamang, sadyang ginawa para paganahin ang inyong imahinasyon sa pamamagitan ng pagbabasa.
Hindi ako mapakali,
sa dalagang nakita ko kagabi;
Sulyap na singbilis ng tutubi,
ala-ala ng bawat sandali.
Buntong hininga ang sa akin'y lumabas,
mukha ko'y naging maaliwalas;
Kakaiba itong aking dinanas,
tibok ng puso ko'y pagkalakas-lakas.
Hinabol ko siya ng tingin,
siya namang lingon sa akin;
Mata namin'y nagkita sa dilim,
titig n'ya sa akin'y pagkalambing-lambing.
Mga paa ko'y aking hinakbang,
papalapit sa kanyang kinaroroonan;
Ngunit ano itong aking nararamdaman,
tila ako'y kinikilabutan.
Sa aking marahang paglapit,
sapul ako sa ngiti nyang malagkit;
Bakit unti-unti niyang hinubad ang damit?
tanong sa sarili habang papalapit.
Patakbo siyang umalis,
tila nais na ako'y tumugis;
Hinabol ko siya nang mabilis,
hanggang makalag ang aking bigkis.
Sa muog siya ay pumasok,
ako naman'y napasubasob;
Humanap ako't nagkubli,
isiniksik ang aking sarili.
Sa 'di kalayuan aking nakita,
itong dalaga'y may kung anong ibinuka;
Dagling liwanag ang sumukob sa kanya,
ako'y lubhang natulala.
Siya pala'y isang diwata,
na nagkukubli sa katawang lupa;
Kutis niya'y makinang na lana,
mukha niya'y maamong talaga.
Ako ay kagyat na lumisan,
pagnanasa ko'y dagling naparam;
Itong dalaga na aking sinundan,
isa palang diwata at ako'y sinubukan lamang.