Tula
Sa muling pagtiklop ng langit,
Mata'y lumigid sa baybayin;
Hinahanap kahit anino,
Kung ikaw nga ba ay darating.
Pusong uhaw sa iyong piling,
Hinahanap ang haplos mo't paglalambing;
Sunod sa kumpas ng alon,
Kadiliman ay tumakip sa maghapon.
Ayaw pang tumayo sa pagkakaupo,
Sa buhanging nagbabalatkayo;
Simo'y ng dagat wari'y ikaw'y darating,
Bigyang pag-asa itong pusong nagdirimdim.
Katahimikan ko'y pinunit ng sigla,
Sa yakap mong nakabibigla;
Sabay harap sa iyong pagsinta,
Hay! hangin lamang pala.
Nagtatampo ang mga ulap,
Mga bituin ay ayaw lumiwanag;
Mabuti pang umuwi na lamang,
At huwag nang mag-antay ng magdamag.
Kailan ka ba darating?
Tanong ng diwang may hinihiling;
Sa kawalan ay nakatitig ng mariin,
Bigyang pansin ang aking hiling.
Pangarap ko ay simple lamang,
Ang makapiling ka kahit panandalian;
Pumarito ka sa aking kinaroroonan,
Ating pagsaluhan ang pagmamahalan.