Sino nga ba si BABYLUV?

Tula

Mahabang panahon ang nagdaan,
Babyluv ay nawala sa balagtasan;
Mga akda'y hindi na nadagdagan,
May lungkot din akong naramdaman.

Paumanhin po at trabaho ang dahilan,
'di sinasadyang lumipat ng eskwelahan;
Mga gawain ay naging dagan-dagan,
Responsibilidad ay 'di pwedeng pabayaan.

Ngayon po na ako'y may pagkakataon,
Ang isip ko'y aking itinuon;
Sa mga katanungang nakalathala duon,
Kung sino nga ba ang ''Babyluv" na iyon?

Sa kasagutan po para sa lahat,
Simpleng pagkatao ay ilalahad;
Ako po ay isang taong tapat,
Na simpleng buhay lang ang hangad.

Si Babyluv po ay napakasimpleng nilalang,
Panlabas na anyo ay karaniwan lang;
Kung magdamit ay kung ano lang,
Hindi baleng ito'y may kamurahan.

Kulorete sa mukha, minsan ay wala,
Buhok ay nananatiling mahaba;
Katawan ay 'di masyadong mataba,
Buhay minsan ay isang kahig, isang tuka.

Mahabang hirap ang pinagdaanan,
Bago nakarating sa Gitnang Silangan;
Maraming pagsubok ang nilabanan,
Sa pananalig sa KANYA lahat ay nalagpasan.

Sa kaibigan, madali akong nakakahiligan,
Bawat isa'y aking pinakikinggan;
Parang kapatid ko silang pakibagayan,
Magaan sa lahat ang aking kalooban.

Pamilya ang una sa aking isipan,
Maibigay ang bawat pangangailangan;
Apat na anak ay kailangang suportahan,
Dahil nag-iisa akong kanilang sandalan.

Medyo mahirap man ang aking kalagayan,
Ako'y pumunta dito at nakipagsapalaran;
Baon ang lakas ng loob at tatag ng isipan,
Sa hirap ng buhay ay patuloy na lumalaban.

Mapalad ako at si Kuya Kiko ay naging kaibigan,
Dahil ako ay natutong makipagbalagtasan;
Hindi man ako kasing husay ng huwaran,
Salamat at ako ay kanyang napagtuunan.

Sa inyo pong lahat…
Ako po ay nagpapasalamat
Babyluv ay parang naging alamat
Buhay ko man ay salat
Dahil po sa inyo ako ay napakapalad!!!

notesnikiko.com Mga Tula ni Babyluv