Sa Pagbubukang Liwayway Tula ang Aking Alay

Tula

Kahapong tigib ng pighati,
Unti-unting tumila ang hikbi;

Sa bawat sulok hinahanap ang saya,
Nangangarap na lumigaya sa pagdilat ng mata.

Kumpas ng orasan'y tila nagbabadya,
Umaga na naman sabi ng aking diwa;

Pilit pa ring ipipikit ang luhaang mata,
Magtatampisaw na lamang sa maliit na kama.

Liwanag na mula sa kalangitan,
Unti-unting pumapasok sa bintanang may siwang;

Silaw ang ibinato sa aking mukha,
Mapipilitang idilat ang namamagang mata.

Bigyan mo ako ng dahilan,
Upang kalungkutan ay makalimutan;

Habang ako sa iyo'y nakatingala,
Pag-asa ang ibuhos sa aking mukha.

Sa Pagbubukang Liwayway,
Panibagong lakas sa hamon ng buhay;

Bigyang halaga ang Kanyang ibinigay,
Hininga ng Buhay na sa atin nananalaytay.

Unang araw ng bagong taon,
Masamang nakaraan'y sa limot ibaon;

Marka ng sugat na gawa ng kahapon,
Lilipas din naman pagdating ng panahon.

Maraming Salamat sa mga bumati,
Ngiti sa aking labi'y sagad hanggang pisngi;

Ang panahong batiin ako kahit sandali,
Kayamanang maituturing na aking pag-aari.