Liham na Tula sa Aking Sinisinta

Tula

Hayaan mong mauna kitang mahalin,
Dahil ikaw ay mahalaga sa akin;

Kahit pa hindi mo ako pansinin,
Mananatiling ikaw ang iibigin.

Kung dumating ang panahon na ako'y bigyang pansin,
Ikagagalak ito ng puso't damdamin;

Pag-ibig sa iyo'y aking sisinupin,
Huwag ka lamang mawala sa akin.

At kung pag-ibig ko'y iyong pauunlakan,
Hinding hindi kita pababayaan;

Mararanasan mo ang kakaibang kaligayahan,
Na ako lang ang pagmumulan.

Mga kahilingan mo'y hindi bibiguin,
Palagi kitang pangingitiin;

Pagmamahal ko'y iyong damhin,
Katotohanang ikaw'y mahal sa akin.

Dati mong pag-ibig akin nang wawakasan,
Kung ang pag-ibig ko'y iyong pagbibigyan;

Tutulungan kitang siya'y kalimutan,
Mga luha mo ay aking pupunasan.

Patak ng luha mo na dulot ng nakaraan,
Bigyang laya sa pag-ibig kong nakalaan;

Kung siya ay nakuha kang iwanan,
Sa akin ay hindi mo mararanasan.

Marahil itatanong mo kung bakit kita inibig,
Sa mga sinasabi ng aking bibig;

Hindi maipaliwanag ang tibok ng dibdib,
Mula nang tayo ay magkita sa yungib.

Ako'y pansamantalang mamamaalam,
Sapagkat oras na ng kapahingahan;

Kung sakaling mabasa mo itong aking liham,
Huwag ka sanang magulumihanan.

Liham na Tula