Tula
Wala na si tatay na palaging naghihintay,
Wala na rin si nanay na parating sumasaway.
Wala namang kapatid na mapaghihingahan.
Walang ate na masayang kalambingan,
Walang kuya na pwedeng sumbungan.
Nag-iisa mula nang mamulat,
Kung may pagmamahal man ay masasabing salat.
Guhit sa mukha mula pagkabata,
Kailan kaya mapapalitan't mabubura?
Damdaming nasanay sa pagkabalisa,
Bunga ng hirap sa pag-iisa.
Pangarap tila ulap sa kalangitan,
Sa buong magdamag nakatitig na lamang.
Kalungkutang kaya namang mapawi,
Mula sa ngiti ng isang binibini.
Ang bisa ng layon na walang pagtanggi,
Kagyat na reaksyong walang pasubali.
Sa mundong ito na nakakabalisa,
Kapanatagan ang sigaw ng nakararaming ulila.
Ulilang minsan pang pinagkaitan ng tadhana,
Munting hiling lamang ay lubos na pang-unawa.
At sa pagpikit nitong aking gabi,
Kalam na sikmura'y nakuha pang ikubli.
At kung mamulat man ang iyong umaga,
Magpasalamat sa diyos 'pagkat mapalad ka.
Sa isang ulilang katulad ko,
Mistulang bulag sa pag-asa ng mundo.
Ano nga ba ang saya na dulot ng karangyaan?
Kung ang nais na makamtan ay naisasantabi na lamang.
Pagnanasang hindi maipaliwanag,
Inaapuhap sa malawak na kawalan.
Maghapong maglalakad sa init ng araw,
Damdaming gustong kumawala at sumigaw.
Nasaan ang sa akin ay kulang?,
Tanong sa isip na may pag-aalinlangan.
Sa mundong itong walang kasiguruhan,
Tila lahat ay hindi mapagkakatiwalaan.
Masakit isiping sa isang parte ng buhay,
Naging ulila ka nang walang kamalaymalay.
Ang Larawan ay kuha ni
Flickr Account www.flickr.com/people/mako_md/
Original Photo Link www.flickr.com/photos/mako_md/4236616791/