Ang Langgam sa Makabagong Kabataan

Ang Langgam sa Makabagong Kabataan

Tula

Atin ngang balikan ang ginawa kong tula tungkol sa langgam,
Ngunit sa pagdaan ng panahon mayroon akong natuklasan;
Mahigit siyam na taon na nga ang nakararaan,
Mukhang may kulang ang ikinuwento ni lola sa kanilang kasipagan.

Kung ating ngang pagbubulay bulayan,
Tunay nga ang kanilang kasipagan;
Wala naman talagang dapat pagtalunan,
Ngunit may isa yatang nakalimutan.

Nakalimutan pala ng aking lola na ikuwento sa aking murang isipan,
Na sila ay sa simula't simula pa ay mga hayop lamang;
Tulad ng karamihan sa mga nilalang,
Mayroon ding mga katangian na hindi rin dapat pamarisan.

Sapagkat ang kanilang isipan ay hindi tataas sa ating mga taong nilalang,
Limitado ang kanilang kaalaman tungkol sa buhay at kamalayan;
Sunod-sunuran sa kanilang Reyna na sila ay pinamumunuan,
Mag-impok ng pagkain na sa kanila ay nakaatang.

Hindi nila iisipin ang pagkaing nakalimutan mong takpan,
Kung pag-aari ba nila ito o hindi ay wala silang pakialam;
Wala silang alam sa kamatayang sa kanila ay nakaabang,
Sa sandaling nakitang pagkain ay kanilang pagtumpukan.

Tunay ngang ang kanilang kasipagan ay dapat na pamarisan,
Na ang kasipagan at pag-iimpok ay may magandang patutunguhan;
Ngunit ang dapat lang tandaan ng pilosopong kabataan,
Na huwag ding pagnasahan ang hindi sa kanya nakalaan.

Masarap nannamin ang tagupay ng kasipagan,
Lalo na kung ito naman ay tunay na pinaghirapan;
Ngunit kung ito ay kinuha lamang sa iba na siyang may karapatan,
Darating ang araw na ikaw naman ay babalikan.

Ito'y isang panawagan sa makabagong kabataan,
Ang langgam ay may dalawang katangian;
Ang kanilang kasipagan at mahilig makialam,
Gayahin lamang ang kabutihan at iwaksi ang kamalian.

Sa kahuli hulihan ako'y nagpapasalamat sa aking lola,
At higit sa lahat ay sa ating Diyos Ama;
Na nagbukas ng panibagong kaalamang dapat na ipaalala,
Sa makabagong kabatan sa panahon ng pandemya.

ang tula ng langgam

Photo by Crusenho Agus Hennihuno from Pexels