Balagtasan sa Tulang ‘Ka - IBIGan’ kasama sina Babyluv at Jerwin

Balagtasan

KA-IBIGAN

Nang masilayan ko ang iyong mga mata,
Ako ay namangha tunay na nabigla;
Sa tagal nang panahong hindi tayo nagkita,
Ngayon ay lumabas ang tunay mong ganda.

Kutis mo'y malasutla isang tunay na Filipina,
Banayad ang timpla isa kang morena;
Kahit na tayo ay parating magkausap,
Hinahanap hanap ko pa rin malutong mong halakhak.

Pakiramdam ko'y nasa alapaap,
Sa tuwing maririnig hagikhik mong sobrang sarap;
Kahit ilang beses kong titigan ang iyong mukha,
Kailangan ko pa rin gumamit ng larga bista.

'Pagkat may tila nakatago sa iyong mga mata,
Ito'y nangungusap, kung pwede nga lang magsalita;
Kung ako ngayon ay nandyan sa iyong piling,
Nais kong ipadama sa'yo ang akap kong may paglalambing.

Upang maibsan, atensyong hinihiling,
Isang pangarap na kay sarap damhin;
Mach's gut bitte ich bin immer hier.


Babyluv:
Sa iyong mga kataga kaibigang makata,
Ang lalalim ng iyong ginamit na salita.

Hindi kayang arukin kahit gaano kahaba,
Isa kang henyo na aking tinitingala.

Minsan sa mga nagawa mong tula,
Mistulang nagdaramdam sa mga talata.

Iba nama'y masyadong humahanga,
Ngayon nama'y mukhang maniningala.

Para sa akin masyadong mahiwaga,
Pagkatao ng kuyang gumagawa ng akda.

Malalim ang kanyang pinaghuhugutan ng diwa,
Matalinghaga ang linya ng bawat salita.
Kiko:
Sa mga talatang aking nabanggit,
Alam ko sa akin ang iba ay may galit.

Dahil nasagi ko ang kanilang langit,
Karanasan nilang sinasabing pangit.

Ngunit ano ang aking gagawin?
Kung sa isip ay sumingaw ang mga tanawin.

Pilit ko mang ito ay alisin,
Dadagdag ito sa akin isipin.

Kaya basura ng aking isipan,
Hayaan mong ito ay lumisan.

Abangan mo ang iba pang laman,
Magugulat ka at hindi maiintindihan.
Jerwin:
Sa bawat bigkas sa mga salita,
May patamang hatid sa pusong namangha.

Hindi man pansinin ay 'wag damdamin,
'pagkat katangiang angkin sayo'y hahanapin.

Kung puso'y nasikil ay wag pipigilin,
Hayaang lumabas nakatagong lihim.

Pusong tumitibok ay kusang aamin,
Paghangang angkin t'yak bibigkasin;
At agad sasabihin sana ikaw ay akin.
Kiko:
Aking kaibigan ako'y natutuwa,
Sa aking tula ika'y nagbigay diwa.

Sa mga nasambit mo labis akong namangha,
Sa maiksing panahong tayo'y nagkakilala;
Pagkatao ko'y iyong nahinuha.

Isang pasasalamat ang iyong tanggapin,
Mula sa akin at ito'y sasabihin;
Ang ibang mga tula ko ay iyong basahin,
Upang lalo kang matuwa sa akin
notesnikiko.com Balagtasan